Feeds:
Mga Post
Mga puna

Ang colonoscopy ay isang panloob na pagsusuri ng malaking bituka at tumbong, gamit ang isang instrumentong tinatawag na colonoscope.

Paano isinasagawa ang pagsusuri?

Ang colonoscope ay may kalakip na isang maliit na kamerang nakakabit sa isang nababaluktot na tubo.  Hindi tulad ng sigmoidoscopy na ang naaabot lamang ay ang ikatlong ibabang bahagi ng malaking bituka, ang colonoscopy ay nagsusuri ng buong kahabaan ng colon.

Ang pasyente ay mahihiga nang patagilid sa kaliwang bahagi at ang mga tuhod ay ititiklop patungo sa dibdib. Pagkatapos mabigyan ng gamot na pampakalma at pang-alis ng kirot, ang colonoscope ay padadaanin sa puwitan. Ito ay dahan-dahan at maingat na ipapasok sa bukana ng malaking bituka at kung minsan ay pinaaabot sa pinakamababang bahagi ng maliit na bituka.

Nagpapakawala ng hangin ang scope upang mas maging malinaw ang pagtingin sa loob ng bituka. May kasama ring panghigop (suction) ang instrumento upang maalis ang mga dumi at tubig. Mas malinaw sa paningin ng nagsusuri kung ang scope ay papalabas kung kaya’t  kalimitang mas masusing eksaminasyon ang ginagawa sa ganitong pagkakataon. Gamit ang colonoscope, maaaring kumuha ng tissue samples sa pamamagitan ng maliliit na biopsy forceps. Maaaring magtanggal ng mga polyps gamit ang electrocautery snares.  Pwede ring kumuha ng litrato at magsagawa ng laser therapy.

Paano maghanda para sa pagsusuri?

Kailangang ganap na linisin ang bituka. Ang manggagamot ay magbibigay ng mga tagubilin para sa pagsasagawa nito. Ito ay maaaring kumbinasyon ng mga labatiba (enema); hindi pagkain ng solid food sa loob ng 2 o 3 araw bago ang pagsusuri; at paggamit ng laxatives. Karaniwang ipapatigil ang pag-inom ng aspirin, ibuprofen, naproxen, o iba pang mga gamot na nagpapalabnaw ng dugo ilang araw bago ang colonoscopy.

Hihilingin din ang  pag-inom ng maraming malinaw na likido(liquids) sa loob ng 1-3 araw bago ang procedure. Ang mga halimbawa ng malinaw na likido ay:

* Kape o tsaa na walang gatas o creamer
* Bouillon o sabaw na walang taba o mantika
* Dyelatin (gelatin)
* Sports drink
* Sinalang katas ng prutas (strained fruit juices)
* Tubig

Maliban na lang kung ipagbawal ng doktor, regular na inumin ang anumang resetang gamot. Itigil ang paggamit ng iron supplements ilang linggo bago ang test, maliban din kung sabihin ng doktor na ipagpatuloy. Ang iron ay maaaring magpaitim ng dumi na magpapalabo ng view sa loob ng bituka. Maghanap ng makakasama sa pag-uwi. Maaaring makaramdam ng pagkahilo at hindi makapagmaneho pagkatapos ng pagsusuri.

Ano ang mararamdaman?

Ang mga gamot na pampakalma at pangkirot ay nakapagpapa-relax at nagpapa-antok. Maraming pasyente ang hindi maka-alalang sila ay nag-colonoscopy. Bago ang pagsusuri, ang doktor ay nagsasagawa ng rectal exam upang makatiyak na walang mga pangunahing pagbabara (blockages) sa loob ng puwit. Maaring makaramdam na parang madudumi habang ang daliri o ang colonoscope ay ipinapasok sa loob ng puwit.

Maaari makaramdam ng presyon habang ang scope ay gumagalaw sa loob ng bituka. Maaari ring makaranas ng bahagyang pagkirot at kabag habang nagpapakawala ng hangin ang colonoscope o habang ito ay itinutulak papaloob. Ang pag-utot ay kailangan at dapat na asahan.

Maaari makaginhawa ang pagsasagawa ng mabagal at malalim na paghinga. Ito ay makakatulong din upang ma-relax ang abdominal muscles. Patuloy ding magkakaroon ng bahagyang pagkirot at kabag matapos ang procedure. Madadalas din ang pag-utot. Ang pagka-antok ay lilipas pagkaraan ng ilang oras. Dahil sa pagkakahimbing maaring walang maalala ang pasyente sa natapos na procedure.

Bakit isinagawa ang pagsusuri?

Ang colonoscopy ay maaaring gamitin para sa mga sumusunod na kadahilanan:

* Pagsakit ng tiyan, pagbabago sa regular na pagdumi, o pagbaba ng timbang
* Abnormal na pagbabago (tulad ng polyps) na nakita sa sigmoidoscopy o x-ray test (CT scan o barium enema)
* Anemya dahil sa kakulangan sa iron (karaniwan kapag walang ibang dahilan ang nahanap)
* Dugo sa dumi, o ma-itim na dumi
* follow-up sa isang nakaraang karamdaman, tulad ng polyps o colon kanser

* Inflammatory bowel disease (ulcerative colitis and Crohn’s disease)
* Screening para sa colorectal kanser

* Kumunsulta sa espesyalista upang talakayin ang colonoscopy.

 

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

Ang pagtitistis o pag-oopera ng malaking bituka (colon)at tumbong (rectum)ay ang pagsasa-ayos ng mga pinsalang natamo ng alin mang bahagi ng malaking bituka, tumbong, o puwit sanhi ng mga sakit tulad ng kanser, diverticulitis, inflammatory bowel disease (ulcerative colitis and Crohn’s disease) at iba pa, sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan. Ang mga aksidenteng pinsala, pagbabara, pagkapunit o pagkabutas, mga bukol o peklat na dahilan ng pagbabara ay maari ring mangailangan ng operasyon. Ang pagsasaayos ng mga pinsala ay magpapanumbalik sa normal na sistema ng pagdumi. Ang iba pang mga kundisyon na maaaring mangailangan ng pagtitistis ay almuranas, anal fissures, prolaps, kawalan ng pagpipigil sa pagdumi (bowel incontinence), at kulugo sa puwit (anal warts).

Mga Uri ng Pagtitistis

May iba’t ibang pamamaraang ginagamit ang mga siruhano (surgeon) upang gamutin ang mga pinsala ng  malaking bituka at puwit. Noong mga naunang panahon, kalimitang ang pagtitistis ay ginagawa sa pamagitan ng isang malaking paghiwa sa tiyan at pagsasa-ayos ng mga pinsala sa bituka.  Ang karaniwang ginagawa ay ang pagputol at pagtanggal ng apektadong parte ng bituka (resection) at pagkabitin ang mga hindi napinsalang parte (anastomosis). Ang iba pang klase ng operasyon ay ang pagtahi ng mga punit sa puwit, pagtanggal ng almoranas  at pagpapasikip ng spincter muscle.

Karaniwan din noon ang paglalagay ng ostomy. Ito ay ang paglalagay ng butas mula sa loob ng katawan palabas upang tanggalin ang mga ihi at dumi  (urine and feces) ng katawan. May mga uri din ang ostomy. Ang colostomy ay ang paglabas ng bahagi ng malaking bituka sa may tiyan upang mailabas ang dumi ng katawan patungo sa isang lalagyan (pouch). Sa ileostomy naman, ang lahat ng parte ng malaking bituka, tumbong at puwit ay inaalis at ang pinakadulong bahagi ng maliit na bituka (ileum) ang siyang nagiging stoma.

Sa kasalukuyan, ang laparoscopic surgery ay ginagamit sa maraming sakit at pinsala ng bituka kabilang na ang mga maagang kanser. Sa ganitong operasyon, ang siruhano ay nagpapasok ng instrumentong may nakakabit na maliit na kamera (laparoscope) sa maliit na hiwa sa tiyan. Ang operasyon ay may mas kakaunting komplikasyon, mas mabilis, mas hindi masakit, at mas may maliit na pilat. Ito ay nangangahulugan din ng mas maikling araw ng pananatili sa loob ng ospital.

Makailan lamang, mayroong mas makabagong pagsulong sa teknolohiya ng pag-oopera. Ito ay ang robotic surgery. Dito, ang siruhano ay gumagamit ng computer na nagkokontrol ng mga maliliit na instrumentong nakakabit sa robot.

Desisyon sa Pagtitistis

Ang ilang mga kondisyon ng may sakit ay maaaring matugunan ng minimally-invasive surgery.  Samantala,  ang ibang mga sakit tulad ng kanser ay maaring mangailangan ng ostomy, isang mas mabigat na operasyon.  Ang desisyon ng doktor upang irekomenda ang operasyon ay nakasalalay sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng kasaysayang medikal ng pasyente, tindi ng sakit o kirot na nararanasan, at mga resulta ng dyagnostikong ginawa sa kanya.

Mga paghahanda bago ang operasyon

Sasabihin ng doktor ang mga  gagawin sa operasyon, ang mga posibleng masamang epekto nito, at ang mga inaasahang mararanasan matapos ang operasyon. Katulad ng kahit anong pagtitistis, ang pasyente ay papipirmahin ng isang kasulatan ng pagsang-ayon o pagpapahintulot (consent form). Bilang paghahanda sa operasyon, ang manggagamot ay maaring humiling ng mga pag-aaral ng dugo at ihi ng pasyente, ganun din ng iba’t ibang   x-ray at electrocardiograph (EKG). Maari ding mag-alok at magbahagi ang doktor o nars sa pasyente o mga kaanak nito ng mga katuruan patungkol sa pamamahala ng ostomy.

Upang maging malinis ang bituka bago ang operasyon, ang pasyente ay maaring hilingin ng doktor na huwag kumain o uminom ng kahit ano ilang oras bago ang pagtitistis. Maari ding painumin ng mga gamot na pampadumi o gumamit ng labatiba (enema). Maari ding painumin ng antibiotics upang kumaunti ang bakterya sa bituka upang maiwasan ang impeksiyon matapos ang operasyon.

Pangangalaga matapos ang operasyon

Matapos ang operasyon, imomonitor ang presyon ng dugo, pulso, paghinga, at temperatura ng pasyente hanggang ito ay bumalik sa normal.  Tuturuan ang pasyente kung papaano susuportahan ang inoperahang bahagi ng katawan habang humihinga nang malalim at umuubo, bahagi ng ehersisyo matapos ang operasyon. Maaari din siyang bigyan ng gamot  sa kirot kung nararapat.  Sinusukat din ang  lahat ng likidong (liquid) pumapasok at lumalabas sa kanyang katawan. Ang kulay at katas ng  sugat ay inoobserbahan.  Karaniwang pinapatayo na ang pasyente at pinapaupo sa silya kinagabihan ng operasyon. Karamihan ay nakakalabas na ng ospital makalipas ang dalawa o apat na araw.

Mga panganib

Ang mga potensyal na panganib matapos ang operasyon ay madalas na nangyayari habang ang pasyente ay nasa ospital pa. Ang kanyang pangkalahatang kalagayan ng kalusugan bago ang pagtitistis ay nagpapahiwatig ng mga potensyal na panganib. Dapat bigyang tuon ang mga problema sa puso at mababang immune system ng pasyente.

Normal na resulta

Ang lubusang paggaling ng may sakit na walang anumang kumplikasyon ay inaasahan. Ang panahon ng  pagpapagaling ay iba-iba depende sa pangkalahatang kalagayan ng kanyang kalusugan bago ang operasyon. Ang mga pagbabago sa diyeta ay minimungkahi upang maiwasan muli ang pagkakasakit o upang mapangalagaan ang kasalukuyang kalagayan.

Ang mga payo patungkol sa mga pagbabago ng kasalukuyang  pangaraw-araw na pamumuhay ay ibinabahagi sa pasyente.

Matapos ang pagpapa-uwi

Ipaalam agad sa manggagamot kung maranasan ang matinding kirot, pamamaga, pamumula, pamamasa o pagdurugo ng sugat. Ipaalam din kung may pananakit ng ulo at kalamnan, pagkahilo, pagsusuka o pagduduwal, lagnat, pagtitibi o pangingitim ng dumi.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

Ang ating dumi  ay madalas ituring bilang basura, walang silbi, mabaho, at walang gamit. Ngunit ito ay maaring nagsasabi ng ilang palatandaan at sintomas tungkol sa estado ng kalusugan ng isang tao. Ang ating dumi ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan: ta*, dumi ng tao, pupu, ebak (maaaring mahinuha na galing sa pinaikling termino para sa ebakuwasyon  o evacuation sa ingles). Sa wikang Ingles, ito ay marami ring katawagan tulad ng: dung, sh*t, crap, excrement, stool, feces, excreta, or droppings.

Naging kasanayan na ang anumang  talakayan patungkol sa ating dumi  ay pinapanatiling pribado. Ngunit ang isang paggalugad tungkol sa mga anyo, sukat , kulay, at amoy nito ay maaaring magpaliwanag ng maraming impormasyon tungkol sa malawak na lagay ng ating kalusugan at mga nangyayari sa loob ng ating bituka at puwit.

Halimbawa, ang dumi ng tao ay maaaring may iba’t ibang kulay na hindi naman nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng anumang sakit. Ang ilang karaniwang kulay ng dumi ay: madilim na kayumanggi, kayumanggi, kulay-balat, o dilaw. Gayunpaman, ang mg sumusunod na kulay ay hindi tipikal at dapat madala agad sa pansin ng iyong manggagamot: maliwanag na pula, madilim na pula, itim o kulay alkitran (tar). Kung ang iyong dumi ay may ganitong kulay, huwag biglang mabahala. Kahit na ito ay totoong pula o itim at maaring magmungkahi na may pagdurugo sa loob ng bituka, na maaari ding magpahiwatig ng pagkakaroon ng kolon kanser, may mas marami pang ibang  mas hindi nakakatakot na mga posibilidad, tulad ng impeksyon, punit sa puwit (anal fissures), almuranas (hemorrhoids), o non-cancerous polyps. Ngunit mayroon ding mahihinang  pagdurugo na nagaganap sa loob ng puwit at bituka na maaring hindi makita sa ating dumi. Ito ay tinatawag na occult blood. Ito ay maaring matuklasan  sa pamamagitan ng paggamit ng Fecal Occult Blood Test (FOBT). Ang FOBT ay iminumungkahi ng mga doktor, minsan sa isang taon, sa mga may edad na limampu (50 years old) pataas upang maagang matuklasan ang kolon kanser.

Gayundin, normal para sa ating dumi ang magkaroon ng hindi kaaya-ayang amoy. Ang ating mga kinakain (diet)  ang pinakamadalas na dahilan ng panandaliang pagbabago sa amoy at hitsura  ng ating dumi. Halimbawa, ang pagkain ng durian o langka ay maaring magdulot ng pagbabago sa amoy ng ating dumi. Pagkalipas ng ilang araw, ito ay babalik din sa normal na mabahong amoy na nakasanayan.

Gayunpaman, kung ang iyong dumi  mayroong lubhang mabahong amoy, at palaging nakalutang, ito ay maaaring magpahiwatig ng medikal na kondisyon tulad ng: hepatitis, liver disease, celiac disease, cystic fibrosis, malabsorption, Crohn’s disease, ulcerative colitis, infectious colitis, pancreatic cancer, chronic pancreatitis, at iba pang bile duct disorders . Kung ang  iyong dumi ay hindi na bumalik sa normal kahit matapos  ang mga pagbabago sa diyeta o kaya ay palagiang hindi  normal ang amoy at hitsura, agad na sumangguni sa iyong doktor upang masuri at mabigyan ng tamang atensiyong medikal.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

Marami ang nakararanas ng pagtitibi. Sa kabutihang palad, kalimitang ito ay walang pagbabanta sa buhay ng isang tao.

Ano ang pagtitibi?

Ang pagtitibi  o pagtinubol sa wikang Bisaya ay ang pagkakaroon ng dalawa  (2)  o higit pa sa mga sumusunod na sintomas  sa loob ng hindi bababa sa tatlong (3) buwan:
• Hirap sa pag-iri higit sa ikaapat na bahagi (25%) ng pagkakataon.
• Matigas na dumi higit sa ikaapat na bahagi (25%) ng pagkakataon.
• Hindi kumpletong paglisan ng dumi higit sa ikaapat na bahagi (25%) ng pagkakataon.
• Dalawa (2) o mas mababang bilang ng pagdumi sa loob ng isang linggo.
Ang pagtitibi ay maaaring sanhi ng kakulangan ng hibla (fiber) sa mga kinakain; kondisyong medikal tulad ng hypothyroidism, diyabetis (diabetes), sakit na Parkinson, pelvic dysfunctions, o maging kanser ng malaking bituka; kakulangan sa pagkilos (sedentary lifestyle); at neurologic  na sakit. May ilan ding mga gamot tulad ng mga opiates, gamot sa alta-presyon, iron at kaltsyum (iron and calcium supplements) ang dahilan  ng pagtitibi. May mga komplikasyon din na maaaring  maranasan kung ito ay papabayaan lamang. Kabilang dito ang almuranas, anal fissures, rectal prolapsed, fecal impaction at iba pa.
Paano natutukoy ang  pagtitibi?
May ilang pagsusuri ang ginagawa ng mga espesyalista upang matukoy ang dahilan ng pagtitibi:
Digital examination – karaniwang ang pagkapa sa loob ng puwit sa pamamagitan ng daliri ang una at pinakasimpleng  hakbang na maaaring magbigay ng mga pahiwatig sa kalakip na sanhi ng problema.

Colonoscopy– gamit ang instrumentong may kamera, ito ay ipinapasok sa puwit at  loob ng malaking bituka (colon) upang matukoy  kung may bukol o masa na nagiging sanhi ng pagbabara sa daraanan ng dumi.

Barium enema – isang radiographic study kung saan may pangkulay (dye) ang ipinapasok sa puwitan  at ang imahe ng malaking bituka makikita sa x-ray.

Colonic transit study – isinasagawa sa pamagitan ng paglunok ng pasyente ng  radiopaque marker at sumasailalim sa isang x-ray upang makita kung nasaan ang mga marker. Maaaring makita ang mga bahagi ng malaking bituka na may mabagal na pagkilos.

Paano pinamamahalaan ang  pagtitibi?

Ang paggamot ay depende sa mga posibleng dahilan na natukoy mula sa mga ginawang eksaminasyon. Ang operasyon ay maaring irekomenda kung mayroong problema tulad ng bukol o pagbabara ang bituka na nagiging sanhi ng pagtitibi. Kung wala naman,  may ibang interbensyon ang maaaring  magpabuti sa mga sintomas ng pasyente tulad ng:
• Ang paggamot sa mga kalakip na  problemang medikal.
• Ang pagbibigay ng counselling o payo sa pasyente.
• Ang pagdagdag ng pisikal na aktibidad.
• Ang paginom ng mas maraming tubig.
• Paggamit ng bulk-forming agents, laxatives, enemas o suppositories.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

*Ano ang kulugo sa puwit?

Ang kulugo sa puwit o tinatawag ding “condyloma acuminate” ay parang  mga butlig na nakapalibot sa puwit at maari ring hanggang sa may genital area. Ang sakit na ito ay maaring ituring na sexually transmitted disease (STD) o nakukuha sa pakikipagtalik. Ito ay maaring magsimula nang napakaliliit, parang ulo lang ng aspili o karayom at maaring lumaki nang lumaki at mapuno ang buong paligid ng puwitan. Karaniwang walang mararandamang pagkirot ang mga mayroon nito at maaring hindi mamalayan ang pagkakaroon nito. Kalaunan ay maaring makaranas ng mga sintomas tulad ng pangangati, pagkirot, at pagkakaroon ng mga maliliit na umbok o butlig sa puwitan.

Ano ang sanhi?                                               

Ang kulugo sa puwit ay sanhi ng papilomang birus na pantao (human papilloma virus o HPV). Ito ay naisasalin sa pamamagitang ng direktang kontak mula tao sa tao. Maari rin itong maisalin sa pakikipagtalik. Hindi kailangan ang anal sex upang magkaroon nito.

Dapat bang tanggalin ang mga kulugo?

Oo. Kapag ito ay hindi naalis, ito ay maaring lumaki at kumalat. Pag pinabayaan, tumataas ang panganib na ito ay maging kanser sa lugar na kinaroroonan.

Ano ang mga pwedeng ipanglunas?

Kung ito ay nasa maliit na lugar lamang, maari itong gamitan ng mga pamahid na gamot. Maari ring gumamit ng liquid nitrogen na magpapayelo (freeze) ng mga kulugo. Pwede rin itong tanggalin sa pamagitan ng operasyon (surgery) kung ito ay malalaki na o kaya ay nasa loob ng tumbong (rectum) o puwit. Ang operasyon ay karaniwang paghiwa o pagsunog sa mga kulugo. Ginagamitan din ito ng pampamanhid (anesthesia).

Kailangan bang maospital para sa opersyon?

Hindi. Ito ay karaniwang ginagawa lamang sa klinika bilang out-patient procedure.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

*Ano ang kanser  sa colon?

Ang colon kanser ay kanser ng malaking bituka (large intestine). Ito ay nasa ibaba o panghuling bahagi ng sistemang panunaw (ng pagkain) o “digestive system” ng ating katawan. Ang rektal kanser naman o kanser sa tumbong  ay nasa huling labing-limang sentimentrong (15 cm.) bahagi ng malaking bituka. Kapag magkasama, ito ay karaniwang tinataguriang kolorektal kanser (colorectal cancer).

Ang kolorektal kanser ay pangatlo sa pinakalaganap na kanser sa Pilipinas at maging  sa buong mundo. Ang kanser sa colon ay lubhang nakamamatay subalit ito ay maaring mabigyan ng lunas kung maaagapan.

Pangkaraniwang ang kanser sa colon ay nagsisimula bilang maliit na polip (polyp). Ito ay para lamang maliit na butlig o nunal sa loob ng ating malaking bituka. Sa paglipas ng maraming taon, ang ilan sa mga polip na ito ay maaaring maging kanser. Bihirang may sintomas na mararamdaman kapag mayroong polip. Ang pinakamainam gawin ay regular na magpasuri sa doktor upang maalis ang mga polip bago pa ito maging colon kanser.

*Paano malalaman kung mayroong colon kanser?

Maraming kaso ng colon kanser ay walang sintomas, bagamat ang mga sumusunod ay maaring maging palatandaan nito:

  1. Mga pagbabago sa ugaling pagdumi – maaaring  pagtatae (diarrhea) o pagtitibi (constipation).
  2. Dugo o bahid ng dugo sa dumi.
  3. Walang lubay na pananakit ng tiyan o puson at pagkakaroon ng kabag (gas or cramps).
  4. Pananakit ng tiyan/puson habang dumudumi.
  5. Pakiramdam na parang hindi lubos ang pagdumi.
  6. Hindi maipaliwanag na Anemya o pagkukulang sa dugo.
  7. Panghihina at pagkahapo.
  8. Pagbaba ng timbang na walang maipaliwanag na dahilan.
  9. Pagkitid ng sukat ng dumi.
  10. Pagkaduwal (nausea) at pagsusuka.

Sa pamamagitan ng tamang pagsusuri, ang kolon kanser ay maaring matuklasan bago pa magkaroon ng mga sintomas, kung kalian ito ay pinakamadaling maagapan at mapagaling.

*Sino ang nanganganib magkaroon ng colon kanser?

*EDAD – halos siyamnapung bahagdan (90%) ng mga taong nagkakaroon ng colon kanser ay nasa edad limampu (50 years old) pataas. Bagamat ang mga kabataan ay maari ring magkaroon, ito ay mas bihira.

*KASAYSAYAN SA PAMILYA – kung  may miyembro ng pamilya ang nagkaroon ng polip o colon kanser, mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito.

* INFLAMMATORY BOWEL DISEASE – ang mga  taong may kundisyon o malalang sakit na pamamaga ng colon tulad ng ulcerative colitis o Crohn’s disease ng mahabang panahon ay mas nanganganib magkaroon ng kanser sa colon. Sa kabutihang palad, bihira lamang ang mga ganitong sakit sa bansa.

*PAGKAKAROON NG COLON KANSER – ang taong nagkaroon na ng colon kanser ay maaring magkaroon uli sa pangalawang pagkakataon.  Ang mga babaeng nagkaroon ng kanser sa matris, obaryo at suso ay mas nanganganib magkaroon ng colon kanser.

*DIYETA – ang colon kanser ay maaring maiugnay sa  diyetang mababa sa hibla (fiber), mataas sa taba (fats), kaloriya (calories), pulang karne (red meat), at naprosesong pagkain (processed foods).

*HINDI MALUSOG NA GAWAING PAMUMUHAY – kulang sa aktibong mga gawain; paninigarilyo; malakas na pag-inom ng alak.

*MAY KATABAAN (OBESITY) O  MAY TYPE II DIYABETIS (DIABETES).

*Ano ang mangyayari kapag  may colon kanser?

Ang colon kanser ay kadalasang nagsisimula sa panloob na balot (lining) ng malaking bituka. Sa paglaki ng tumor, maaari itong bumara sa dinaraanan ng dumi kung kaya nagkakaroon ng mga sintomas. Ang tiyan ay maari ring lumaki at ang malaking bituka ay maaring mabutasAng colon kanser ay maaring  kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ang karaniwang pinipuntahan ay ang atay, baga at peritonyo (peritoneum).

Ang colon kanser ay may mga antas (stages) ayon sa kalubhaan (severity).

Stage 1 – ang kanser ay nasa loob lamang ng dinding (wall) ng malaking bituka.

Stage 2 – ang kanser ay lumabas na sa dinding  ng malaking bituka.

Stage 3 – ang kanser ay kumalat na sa mga kulani (lymph nodes)   na nakapalibot sa kolon.

Stage 4 – ang kanser ay kumalat na sa ibang bahagi ng katawan.

*Paano sinusuri ang colon kanser?

Ang colon kanser ay dapat matuklasan nang maaga, habang wala pang sintomas. Ito ay maaaring matamo sa pamamagitan ng pagsusuri  gamit ang colonoscopy; fecal occult blood test (FOBT) na may kasamang  flexible sigmoidoscopy; barium enema o CT virtual colonoscopy.

Sa isang banda, kung meron ng nararanasang mga palatandaan ng colon kanser or polip, ang  colonoscopy ang naaangkop na gamitin. Kung ang polip ay matagpuan, ito ay maaari nang tanggalin at ipasuri sa laboratory upang malaman kung ito ay malignant. Ang pagtanggal ng mga polip ay makatutulong upang ito ay hindi na maging kanser sa paglipas ng mga taon. Ganito rin ang gagawin kung tumor ang matagpuan sa bituka.

*Paano mapapagaling ang colon kanser?

Ang pangunahing lunas sa colon kanser ay operasyon (surgery). Ang mga bahagi ng bituka na apektado gayun din ang mga kulani ay tatanggalin. Kung ang kanser ay maliit pa, ito ay pwedeng gamitan ng minimally-invasive laparoscopic surgery. Bukod sa maliliit ang butas, ito ay mas hindi masakit at mas mabilis ang pagpapagaling. Ang ibang kaso ng kanser ay maaring mangailangan ng chemo at radiation therapy.

Ang impormasyong ito ay hindi pamalit sa mga payong medikal. Magtanong at sumangguni sa mga espesiyalista.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.

Ang Colorectal Specialists ay isang pangkat na espesiyalistang siruhano (surgeons) na nagsama-sama upang bumuo ng isang grupong propesyonal na ang layunin ay mapalaganap at mapaunlad ang industriyang ito sa buong bansa.

Ang grupo ay may adhikaing gumamit ng mga makabagong pamamaraan na batay sa ebidensiya o katibayang pang-agham at ng konseptong tinatawag na Multidisciplinary Team Approach (MDT).  Ang MDT ay isang uri ng pangangalagang medikal na mainam lalo na sa mga may karamdaman tulad ng kanser sa malaking bituka. Ang MDT ay gumagamit ng iba’t ibang uri ng pamamaraan ng paggamot at nangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang eksperto at sangay ng medisina. Ang layunin nito ay upang lubos na mapangalagaan ang lahat ng aspeto ng karamdaman ng maysakit. Ang mga resulta ng operasyon at gamutan  ay patuloy na pinag-aaralan at nirerepaso upang mapaunlad pa at mapadali ang mga susunod na kaso.

Ang aming layunin ay magkapagbigay ng pinakamataas na antas ng pangangalaga kasabay ng aming pagsusumikap na mapabuti pa ang  mga resulta ng operasyon at paggagamutan sa pamamagitan ng sistematikong pagrepaso ng mga kaso, pag-aaral, pagsasaliksik at pagsasanay o pagpapakadalubhasa.

Ang lahat ng aming manggagamot ay pawang nakapasa sa Lupon ng mga Siruhano  at Fellows ng Philippine Society of Colorectal Surgeons.

 

COLORECTAL SPECIALISTS, INC.

2nd Floor, Podium Building, The Medical City,

Ortigas Avenue, Pasig City, Metro Manila

Tel No. (632) 9881000 or (632) 6356789 ext. 7789

www.colonandrectalspecialists.com , www.crsi.com.ph

Email: colorectalspecialists2011@yahoo.com

Clinic Hours: Mondays to Saturdays – 8:00 AM to 5:00 PM except Wednesdays

Ang Mga Espesiyalista

Manuel Francisco T. Roxas, M.D.

Robert L. Chang, M.D.

Catherine S. Co, M.D.

Carlo C. Cajucom, M.D.

Marc Paul J. Lopez, M.D.

Dione P. Sacdalan, M.D.